Tuesday, July 01, 2008

Suspicious Lines

Nabasa ko sa Inquirer ang pagtawag sa Sulpicio Lines bilang Suspicious Lines. Sa mga kasulukuyang pangyayari pagkatapos ng paglubog ng MV Princess of the Stars ay tunay ngang lumalabas ang kahina-hinalang mga pamamalakad ng Sulpicio...

Kalimutan na muna natin ang mga nakaraang trahedya na nasangkot ang Sulpicio dahil mukhang hindi naman sila talaga natuto doon, at tumutok sa kasalukuyang sakuna. Kung sinu-sino na lang ang sinisisi ng Sulpicio tulad ng Coast Guard, ang Diyos, at pati PAGASA. Pero sa bawa't pagturo ng Sulpicio sa iba ay lalong lumalabas ang kapalpakan ng prangkisa na ito at lalong dumadami ang nanggagalaiti sa kanila. Lalo pa nilang inilulugmok ang sarili nila sa bangin ng kanilang kasalanan at kapabayaan.

Lumang mga patakaran pala ng PCG ang sinusunod ng Sulpicio. Sinisisi nila ang PAGASA pero sila ang hindi nakinig sa mga babala ng PAGASA tungkol sa bagyo. Hindi nila ipinahayag sa Del Monte ang plano nila tungkol sa kargamento nito, at noong lumubog na ang barko nila ay hindi kaagad nila inamin ang pagkakaroon ng pestisidyo sa loob ng barko. Hinayaan nila ang mga taga-saklolo na dayber na magtagal sa paligid ng lumubog na barko na di man lang nila alam ang maaring panganib sa kanila. Napakabagal ng naging pagkilos nila ng magyari ang trahedya, at magulo ang patakaran nila ng pagtulong sa mga kamag-anak ng mga namatayan. Imbes na magpokus sila sa mga paraan upang makatulong sa pagsasaayos ng problema sa barko at mga nasalanta ay ang mas pinagtutuuanan nila ng pansin ay ang pagsasalba sa kanilang bulok na imahe at paghahanap ng ibang masisisi at mapagbibintangan.

Imbes na umamin sa kanilang pagkakamali ang Sulpicio, at humingi nga kaukulang dispensa at patawad, ay lalong lumalabas ang tigas ng ulo at itim ng budhi nito. Nagkakaisa ang mga pahayagan, ang BMI, PCG, PAGASA, ang Kongreso at Senado, PAO, Del Monte, mga Obispo, at marami pang iba sa pagbatikos at pagkundena sa Sulpicio Lines.
Pagkatapos ng lahat ay sana maranasan nila ang "ganti" ng Diyos at sila'y matanggalan ng prankisa at mapanagot sa batas ng tao.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home