modus operandi
Habang naghihintay ako kaninang hapon ng bus, may nakita ako sa di kalayuan sa aking kinatatayuan na lalaking "nabangga". Modus operandi pala iyon ng isang gala na lalaki. May dala siyang pagkain sa isang styrofoam at tatawid ng kalsada habang may papadaan na kotse. Babagal yung kotse upang padaanin yung lalaki. Kapag nakadaan na ang tumawid na lalaki ay siyempre bibilis na ng takbo ang kotse. Mabilis ang mga susunod na pangyayari. Sa puntong iyon ay biglang babalik ang lalaki at babangga sa sasakyan, titilapon ang kaniyang pagkain, matutumba siya at magpapagulung-gulong sa kalsada. Dahil sa sinadya ng lalaki ang lahat ay wala naman siya talagang malubhang galos. Pagkalabas ng drayber ay lalapit ang lalaki dito at hihingi siya ng pera para sa "pinsala" sa kaniya at para sa natapong pagkain.
Kanina ay ganoon ang nakita ko. Yun nga lang, huli ng drayber ang ginawa ng lalaki at pinagalitan niya ito. Walang nagawa ang lalaki habang galit na sinisigawan siya ng drayber tungkol sa pagkaing kumalat sa tagiliran ng kaniyang kotse. Binigyan yata ng piso ng drayber ang lalaki at umalis na lang. Sa sama ng loob ng lalaki ay tinapon na lang niya ang piso. May mga ibang tao ring nakapanood ng mga pangyayari at ayon sa iba ay dati pa iyon ginagawa nung mismong lalaki na iyon ang ganoong modus. Nagpapalipat-lipat lang siya ng lugar/kalsada na pinupuntahan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home