Sunday, June 22, 2008

bagyo


Dumaan at nanalanta si bagyong Frank sa Pilipinas at sa ngayon ay nag-iwan na ng 86 patay at mahigit 700 nawawala. Matagal-tagal at halos mahigit sa isang taon na rin ng huling may diretsong dumaan na bagyo sa Maynila at nagdulot ng pagbaha, blackout at pagkasira ng mga ari-arian. Bumaha sa may amin at lagpas bangketa ang tubig, halos umabot na papasok sa loob ng bahay. Siguradong mas malalim ang inabot ng baha sa ibang (mababang) lugar. Nawalan din ng kuryente ng matagal at kani-kanina lang nagkaroon ulit. Sa panahon ngayon na tila lumalakas na ang mga bagyo (di lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo, dulot ng pandaigdigang pag-iinit) ay kailangang pagibayuhin ang pag-iingat...

Mga isinasagawa kong paalala/importanteng bagay tuwing may bagyo:
1. Ang (AM)radyo ay mahalagang bagay na pagkukunan ng balita at impormasyon sa kasagaran ng bagyo. Kailangang meron nito ang bawa't tahanan kahit na maliit lang.
2. Kadalasan ay nawawalan ng kuryente at kailangan ay laging may nakahanda na baterya para sa flashlight at radyo. Mainam mag-imbak ng mga baterya dahil minsan ay hindi kaagad bumabalik ang kuryente pagkatapos ng bagyo.
3. Matipid na ilaw ang hatid ng kandila, ngunit kailangang pag-ingatan at maari ring maging sanhi ng sunog. Ang flashlight ay siguraduhing gumagana at nasa lugar na madaling mahanap pag madilim.
4. Ang malinis na inumin ay mahalaga para makaiwas sa sakit. Importante mag-imbak nito at ng tubig na panlinis dahil nawawalan minsan ng tubig, o kaya'y nagiging madumi ito, tuwing may bagyo.
5. Halos lahat ng tindahan ay nagsasara, o kaya'y walang mapuntahang tindahan dahil sa baha, kung kaya't ang pag-iimbak ng kaunting simpleng pagkain tulad ng biskwit, noodles at itlog ay malaking tulong pampatawid-gutom.
6. Siguraduhing puno ang baterya ng mga celfone. I-charge ang mga ito habang may kuryente pa. Importanteng linya ng komunikasyon ito oras na may sakuna. Alamin din ang mga importanteng numero na maaring tawagan sa oras ng sakuna.
7. Kapag nawalang ng kuryente ay siguraduhing nakapatay ang mga kagamitan para maiwasan ang pagputok o pagkasira nito pag bumalik na ang elektrisidad. Kung saka-sakaling bumaha ay siguraduhing ang mga kable at kagamitan ay mailipat din upang hindi mabasa.
8. Ang paghahanda ng mga simpleng gamot para sa mga karaniwang karamdaman at gamit para sa pangunang lunas ay malaking tulong kung may magkasakit o masaktan habang bumabagyo.
9. Ugaliing silip-silipin ang mga iba't-ibang bahagi ng bahay habang bumabagyo. Huwag maging kampante at ang mga simpleng tulo ng tubig ay mauwi sa pagkasira at biglaang buhos ng ulan sa loob ng bahay. Bantayan ang tubig-baha at pati na mga puno sa labas ng bahay na maaaring mapatumba ng malakas na hangin.
10. Huwag lumabas kung hindi naman talaga kinakailangan. Manatili na lang sa loob ng bahay sa kasagaran ng bagyo upang makaiwas sa aksidente dala ng malakas na bugso ng hangin at makaiwas din samga akit na dulot ng tubig-baha.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home