Friday, June 20, 2008

My Odessa

Dati-rati'y madalas din akong maglathala ng kaunti tungkol sa mga nabibili kong CD at paborito kong mga mangaawit o kaya'y banda. Matagal-tagal na rin akong hindi bumibili ng CD dahil sa wala naman akong masyadong nagugustuhan na album. Noong ToyCon 2008 ay may narinig/napanood akong banda (na puro babae) na napabilib ako sa kanilang husay tumugtog at magtanghal. Ito nga ay ang bandang My Odessa. Sa katunayan ay karamihan ng mga nasa ToyCon noon ay humanga sa bandang ito at pagkatapos noon ay maraming komento, litrato at video ang lumabas sa internet tungkol sa kanila. Isa na dito ang kasama sa namahala sa ToyCon na si Azrael, na sa kaniyang blog ay nagsulat tungkol sa kanila. (Naglagay din siya ng mga video clip doon at maari niyong mapanood ang ilang mga pagtatanghal ng My Odessa). Sa kadahilanang pagkamangha at paghanga ko sa galing ng My Odessa sa pagtugtog (ng Sweet Child O' Mine, Black Dog, Moby Dick, at Highway Star), at bilang pagtangkilik at pagsuporta na rin sa OPM at mga bandang pinoy, ay naghanap at bumili ako ng CD nila.

Ang kanilang CD ay mura at P199 lamang, at sulit dahil may 10 orihinal na kanta. Sa Odyssey ko natagpuan ang CD (oo nga naman, sa Odyssey matatagpuan ang Odessa :-p ).

Sina Andrea Buan, Marianne Buan, at Mary Ann Guisingmadali ang bumubuo ng My Odessa. Si Ana ay sa gitara, Paige sa bass, at Sid sa drums. Kabilang sila sa Viva Artists Agency, Inc. at pinamamahalaan din ni Nonoy Tan. Bukod sa galing nila sa pagtugtog ng kanilang mga instrumento ay nakakabilib na sila ang may gawa/katha ng lahat ng kanta sa album. Mailalathala raw sila sa Fudge Magazine sa July at malamang may matatagpuang pang karagdagang impormasyon doon tungkol sa kanila.


Ang mga kanta sa kanilang (2008) album ay:
Baroque (3:58); Goodbye Na Lang (3:36); Bakit Nagkaganito (4:23); Let Me Stay(5:10); Agos (3:57); Together We'll Fly (3:56); Numb (4:20); Now That You're Gone (3:32); Harlequin (4:40); Sleepless (4:18).

Ang aking mga puna:
Ang mga kanta ay lahat halos rock ang dating at astig ang tunog, pero pop ang mga lyrics. Tungkol sa pag-ibig at pagkabigo dito ang paksa ng karamihan ng mga kanta. Bata pa sila at malamang batay sa kanilang mga (limitadong) karanasan ang nilalaman ng mga kanta kung kaya't mas nababagay ang album sa kababaihan. Kung tutuusin din naman kasi ay mga tagahangang tinedyer na babae ang malamang na target na tagapakinig ng banda. Bagaman lahat sila ay kumakanta ay medyo hindi pa hasa ang mga indibidwal na boses nila . Marahil ay naghahanap pa rin sila ng kanilang identidad sa ngayon. Malaki siguro ang impluwensiya ng Viva sa pagpili ng mga kanta (na isinama sa album) upang mas madali sila maibenta at sumikat kahit papaano sa malawakang tagapakinig. Maganda sana siguro kung naglagay din sila ng covers ng ilang OPM na ginawan nila ng bersyong rock. Nakakabilib na sa kanilang edad at angking talento ay nakagawa na sila ng album. Sana ay ipagpatuloy pa nila ang pagsasanay, pagtugtog at pagtanghal para lalo silang gumaling at magtagal sila. Ang hatol/rating ko sa kauna-unahang album nila na ito ay 3/5. Inaasahan kong mas bubuti sila at mas lalawak ang kanilang paksain (sa mga kanta) kung saka-sakaling maglabas sila ng ikalawang album sa hinaharap.

2 Comments:

At 12:36 PM, Blogger Azrael Coladilla said...

astig ng review mo!

supportahan natin ang mga local artist!!


mabuhay kayo my odessa!

:)

 
At 8:02 PM, Anonymous Anonymous said...

i love sidddddd!!!!!!!!!!!!

 

Post a Comment

<< Home