Thursday, April 05, 2007

Visita Iglesia

Matagal-tagal na rin na hindi ako nakapag-visita iglesia. Dati-rati nga ay kasama ko pa ang ilang kaibigan na naglilibot sa mga simbahan sa Maynila. Pero ngayon kasi may mga pinagkakaabalahan na sila kaya hindi ko na sila niyaya. Wala naman akong takdang plano sa araw na ito kung kaya't naglibot na lang ako pagkagaling sa trabaho.

Maraming simbahan na puwedeng puntahan sa Metro Manila. Ang mga pinuntahan ko na mga simbahan ay mga dati ko na napuntahan at malapit sa puso ko, at bukod doon ay mga madali lamang mapuntahan/madaanan sa pamamagitan ng pampublikong sakay at sa paglalakad.

Nauna akong pumunta sa simbahan sa Christ The King sa may E. Rodriguez sa Cubao. Malapit kasi ito sa pinanggalingan ko kaya dumaan muna ako. Dito na ako bumili ng libreta ng Way of the Cross. Noong aktibo ako dati sa Catholic Charismatic ay madalas kaming magsimba dito pag Easter.

Pagkatapos ay pumunta ako sa U.P. Diliman. Madalas ay dito ako nagsisimula dati ng paglilibot pagkatapos makinig ng misa dito. Naaalala ko rin na dati ay dito ako nakikinig ng Siete Palabras pag Biyernes Santo. Kumain muna ako sa Rodic's bago pumunta sa susunod na simbahan. Inaasahan ko kasi ang malayong lakaran sa mga susunod na simbahan.

Mula Diliman ay sa simbahan ng Santo Domingo sa Quezon Avenue ang sunod kong destinasyon. Madalas din akong pumunta sa simbahan na ito noong bata pa ako kasama ang aking pamilya. Sa malalaking simbahan tulad nito o kaya'y sa mga simbahang malapit sa mataong lugar ay marami talagang nagsusulputang nagtitinda ng mga libreta, rosaryo, sampaguita, pagkain at kung anu-ano pa.

Sa Maynila ay medyo magkakalapit ang mga sumunod na mga simbahan at pinakamainam na lakarin ang pagpunta sa mga ito. Siksikan kasi sa dami ng tao at makikitid ang mga daan kung kaya't mahirap ang may dalang sasakyan.

Ang simbahan ng Quiapo ang una kong pinupuntahan sa Maynila. Kapansin-pansin na dito ay mas marami ang nakatalagang pulis sa paligid. Mula doon ay papunta sa simbahan ng Sta. Cruz ay muntik na akong mawala. Medyo maaga pa kasi at wala pa masyado akong kasabay na naglalakad. Hindi ko talaga kabisado ang lugar na ito. Papunta naman sa simbahan sa Binondo ay muntik na naman ako mawala, mabuti na lang at maliwanag pa. Dito na ako inabutan ng Misa ng Huling Hapunan ng mga alas-sais. Sa Binondo ay kapansin-pansin naman ang maraming boluntir na "marshalls" na tumutulong sa pagsasaayos ng daloy ng mga madla.

Pagkatapos ng misa ay mas marami na talagang taong nagiikot (isang dahilan ay hindi na gaanong kainitan ang lansangan). Nakakatawag-pansin lang ang suot ng ilang kababaihan, masyadong sexy. Ang mga nakasabay ko karamihan ay mga pami-pamilya. Marami ring mga magka-kaibigan at barkadahan at mga grupo/organisasyon ang mga nagsisilakad. Sa puntong ito ay medyo nakakaramdam na ako ng pagod at matinding uhaw kaya't dumaan muna ako sa isang Mini Stop para bumili ng tubig.

Pagkagaling sa Binondo ay medyo kabisado ko na ang daan mula Jones Bridge papunta sa mga sumunod na Manila Cathedral at San Agustin Church. Magkalapit lang ang dalawang simbahan na ito. Sa daan sa pagitan ng mga simbahan ay dito pinakaraming nagtitinda ng iba't-ibang pagkain kung ikukumpara sa mga ibang simbahan na napuntahan ko na.

Bagaman lagpas na ako sa 7 simbahan ay pinakahuling dinaanan ko ay ang simbahan ng Nuestra Senora De Guia sa Malate. Kumain muna ako sa Wendy's pagkatapos manggaling sa simbahan bago umuwi. Sa totoo lang ay medyo malapit-lapit na rin ang simbahan sa Ermita ngunit pagod na talaga ang aking katawan kung kaya't di na ako nagpatuloy. Dati-rati'y doon talaga kami nagtatapos ng visita iglesia.

Masaya ako at nakapag-visita iglesia ako ulit at naka-siyam na simbahan ako sa aking paglilibot. Bukod doon ay mas taimtim akong nakapagdasal at mas mabilis akong nakatapos. Paalala sa sarili: Sa susunod ay magdala ng digital camera... napakaganda marahil kunan ng litrato ang mga iba't-ibang disenyo at dekorasyon sa mga simbahan at naka-labas na Sakramento sa altar.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home