Panalo!
Panalo si Manny Pacquiao! Panalo rin ang tatlo pang Pilipino sa mga undercard na laban sa Mano A Mano (Philippines vs. Mexico)! Galing talaga ng boksingerong Pinoy! Napansin niyo ba iyong suot ni Manny sa laban niya? Grabe yung sapatos, ang arte, parang may tassel. Tapos yung shorts niya, puro tatak ng kaniyang mga sponsor at akala mo parang kotseng pangkarera. Dadami na naman ang product endorsement ni Manny nito. Ika nga eh "money pakyaw"! :p Dadami rin na naman ang mga kabataang Pinoy na gustong maging boksingero. Mabuti naman at maganda ang pagkakatanggap ni Larios ng kaniyang pagkakatalo.
Nakasakay ako ulit sa LRT-2 kanina... panalo rin yung tren at mga istasyon nito sa linis at ganda kung ikukmpara sa LRT-1 at MRT. Sana maalagaan nang husto para hindi kaagad maluma o masira...
Isa pang panalo ay ang Shakey's V-League! Isa itong liga ng (women's) volleyball kung saan ang naglalaban-laban ay mga iba't-ibang kolehiyo sa Manila. Ito ang ikalawang season at kakatapos lang ng ikalawang conference. Napapanood ko ang mga laro sa ABC-5 at magagaling rin naman ang mga manlalaro. Nitong weekend nilaro ang finals, wala naman akong ginagawa kung kaya't naisipan kong manood sa Ateneo Blue Eagle Gym ng mga laro. Noong Sabado ginanap ang laban para sa ikatlong puwesto (Adamson kontra Lyceum) kung saan nanalo ang Adamson. Ginanap rin ang unang laro para sa kampeonato sa pagitan ng DLSU at SSC na pinanalunan naman ng DLSU sa tatlong sunud-sunod na set. Noong Linggo ay ipinamigay ang mga indibidwal na mga premyo tulad ng MVP. Nanalo ulit ang DLSU kung kaya't sila na ang kampeon.
Marami na ring mga nanood at sumusubaybay ng V-League, at naging mga fans ng mga manlalarong napapanood nila sa TV. Sa totoo lang pati nga ako napabilib sa koponan ng La Salle at talagang magaling sila. Sa 15 laban nila ay 3 beses lang silang natalo at itoý nung sa huling bahagi na ng conference at sigurado na silang pasok sa finals. Sa mga indibidwal na awards ay apat ang kanilang nakuha (pinakamagaling na receiver, attacker, setter, at most improved player). Kitang-kita sa preparasyon ng La Salle bago ang laro na sila ang mas disiplinado at mas beteranong koponan. Pati ang bench ng La Salle ay nananatiling nakatayo at nanagja-jog tuwing break para handa sila anumang oras para pumasok sa laro. Sa aktwal na laro naman ay ipinakita ng La Salle ang kanilang mahusay na depensa, at halos lahat ng kanilang manlalaro ay tumulong sa opensa(di tulad ng SSC na mangilan-ngilan lang ang inaasahan nilang gumawa ng puntos). Ito ang ikatlong sunud-sunod na kampeonato ng DLSU sa V-League. Sila rin ang kampeon sa UAAP nung nakaraang taon (sayang at hindi nila madedepensahan ang kanilang kampeonato sa taong ito dahil suspendido ang La Salle ng isang taon sa UAAP). Congratulations sa DLSU Women's Volleyball Team! Pagkatapos ng laro ay para silang mga artista sa dami ng lumapit sa kanila para magpa-autograph at magpakuha ng litrato. :)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home