Alam niyo ba iyong mga NBI satellites/ kiosks? Mayroong isa sa SM Megamall eh. Puwede kang kumuha doon ng clearance para sa trabaho o paglalakbay sa ibang bansa, pero renewal lamang ng dating clearance kung itoý gawa simula 1994 pataas. Pumunta ako doon noong Lunes. Ang haba ng pila, malamang dahil Lunes din kasi! Mabuti na lang at maayos ang patakaran at pagtakbo ng mga empleyado doon. Pipila ka muna para mag-bayad, pagkatapos ay kukuhanan ka ng litrato, tapos ay kukunin mo na ang iyong clearance. Inabot pa rin ako ng 45 minuto para makuha ko ang clearance ko, pero ayos lang at hindi kasing-hirap kaysa sa kung pupunta ako sa NBI sa Carriedo. Nakapaglibot pa ako sa Megamall pagkatapos. :)
Kanina naman, nasa Manila City Hall ako. Kumuha ako ng Cedula at PTR. Taon-taon dapat bago yun eh. Maraming tao na kumukuha ng mga lisensya at nagbabayad ng mga tax. Maraming nakapaskil sa paligid na mga instruksiyon at kung hindi ka nga naman marunong magbasa ay mawawala ka talaga sa pasikut-sikot doon. Iyong suot ng ilang empleyadong babae ay Hawaiian ang disenyo, parang mga polo shirt ni Mayor Atienza.
Pumunta din ako sa BIR malapit sa Intramuros. Napansin ko sa mga napuntahan kong mga ahensiya ng pamahalaan ay ang mga empleyado ay madali namang malalapitan. Kung ikaý magtatanong, sasagutin lamang nila ay kung ano ang tinanong mo. Sa dami siguro ng kanilang nakikitang mga tao, at dami ng kanilang trabaho, ay hindi sila ganoon kagalang o matulungin. Marahil sa nais din nilang mapabilis ang kanilang serbisyo ay hindi na nila masyadong pinagtutuunan ng pansin ang ibang nagtatanong o nangangailangan ng tulong.
Katabi ng Manila City Hall ay ang SM Manila. Ang daming estudyante! Naka-uniporme pa. Para silang kumukuha dun ng SM 101 eh. :p
_________________________________________________________
Iyong koreanovela na Forbidden Love (FL), maganda ang kuwento at sinusundan ko na tuloy. Nagkamali ako at hindi pala si Trixie ng Only You iyong pangunahing tauhan sa FL, kamukha lang niya pala. "Legends (?) of the Nine-Tailed Fox" ang totoong pamagat nung serye.
Malapit na ang labanang Pacquiao-Morales! Sana manalo si Pacman. Sa napapanood ko sa TV Patrol na mga paghahanda ni Manny ay puspusan talaga ito. Dehado ngayon si Manny sa mga tayaan, pero hintayin na lang natin ang labanan. Huwag niyo rin kalimutan ipagdasal si Manny Pacquiao!
________________________________________________________
Britney Spears' B In The Mix ay mayroon 11 remixes. May bagong kanta na hindi pa dati napapalabas, ang "And Then We Kiss". Hango sa mga dating sikat na kanta ni Britney mula sa kaniyang nakaraang 4 na album. Mapapasayaw ka sa electronica at club na tugtog ng mga remix ng Toxic, I'm A Slave 4 U, Me Against The Music at iba pa. Maganda rin ang pagkaka-remix ng paborito kong kanta na Don't Let Me Be The Last to Know. Rating ko: 3.5
Ang unang CD ni Carrie Underwood na Some Hearts ay 13 kanta at may bonus na kanta (ang Inside Your Heaven). Bukod sa maganda si Carrie, maganda ang boses niya at pinagsamang country at pop ang dating. :) Pinakapaborito ko sa ngayon ang kanta niyang Some Hearts at Inside Your Heaven. Kapuna-puna rin ang mga kanta niyang Lessons Learned at Wasted. Naipapalabas ang lakas at husay ng boses ni carrie sa mga napiling kanta para sa kanyang album. Rating ko: 4.25