Starbucks planner
Isang sticker na lang ang kulang ko kanina para makuha ko ang Starbucks 2010 Planner...
Pumunta muna ako sa PGH at pagkatapos ay sa Manila City Hall dahil may mga kailangang kunin/asikasuhin. Buti na lang at maayos ang daloy ng transaksiyon ko sa City Hall at natapos din ako kaagad. (Sa aking palagay ay parang mas organisado doon kumpara halimbawa sa QC o sa Makati City Hall).
Balak ko sana pumunta sa Starbucks sa 6750 para dun kumpletuhin at makuha ang planner ko. Naalala ko na mayroon ding Starbucks sa SM malapit sa City Hall. Kaunting lakad lang ay nandoon na ako. May tatlong disenyong pagpipilian sa planner. Ang napili ko ay ang:
Simple lang at malinis ang pagkakagawa ng planner pero mukha itong matibay. May nakaipit na ilang coupon sa loob. Meron ding taling bookmark na may maliit na metal na coffee bean sa dulo.
12 taon na pala ang Starbucks sa Pilipinas at ang nasa 6750 sa Makati ang kanilang kauna-unahang tindahan. Kung dati ay hanggang bukas na lang ang takdang panahon para makuha ang planner ay nalaman kong nai-extend ito hanggang sa ika-15 ng Enero. Doon sa mga hindi pa nakakakumpleto/nakakakuha ay may panahon pa kayo. Sinimulan ko na kanina lang na sulatan at gamitin ang bago kong planner.
Bago umuwi ay nakapaglibot pa ako ng sandali sa SM. Nagbayad ako ng bill ng Globe sa Payment Center. Bumili rin ako ng isang magasin sa Book Sale at nakabili din ako ng maiuuwing hopia at sampaloc sa Salazar Bakery. (Masarap naman ang sampaloc nila ngunit medyo maliit at mas gusto ko iyong nabibili sa Panaderia Pantoja.)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home